Ipinag-utos na ni PNP Chief Dir/Gen. Oscar Albayalde sa lahat ng mga regional, district at provincial directors ng pambansang pulisya na iwasan na ang paggamit ng salitang “tambay” sa kanilang mga ilalabas na pahayag sa publiko.
Ito’y upang hindi magkaroon ng anumang kalituhan sa ginawang operasyon ng pambansang pulisya laban sa mga pasaway na lumalabag sa mga ordinansa na ipinatutupad sa mga bayan o lungsod.
Una nang ipinag-utos ni National Capital Region Police Office Director C/Supt. Guillermo Eleazar ang kahalintulad na direktiba sa kaniyang mga tauhan.
Pagtitiyak ni Albayalde, pananagutin nila sa batas ang sinumang pulis na aabuso sa kanilang mandato sa publiko.