Aprubado na ng Food and Drug Administration ang bakuna ng Sinovac para sa pediatric vaccination.
Ito ay matapos ipalabas ng FDA ang aprubadong emergency use authorization (EUA) para sa bakunang CoronaVac ng nasabing kompanya.
Dahil dito, ayon kay IP Biotech Group chairman Enrique Gonzales, maaari nang gamitin ang CoronaVac para sa mga batang edad anim pataas.
Aniya, ang pag-apruba sa kanilang bakuna ay malaking tulong para maprotektahan ang mga kabataan kontra COVID-19 at tiyak na magkaaroon ng mas malawak na access at vaccine equity ang bansa.
Nabatid na batay sa isinagawang pag-aaral sa Chile ng nasabing bakuna, nakitang epektibo ang Sinovac sa 74% ng 1.9 milyong batang edad anim hanggang 17.
Maliban dito, nasa 90% sa bata ang hindi na-ospital habang 100% naman ang hindi na dinala pa sa Intensive Care Unit (ICU) o ‘di kaya ay nasawi.
Matatandaang tanging ang mga bakuna lamang ng Pfizer at Moderna ang ginagamit ng pamahalaan para sa pediatric vaccination.—sa panulat ni Abie Aliño-Angeles