Ikinukonsidera na ng Commission on Elections (COMELEC) ang panukalang pagkontrol sa paggamit ng social media sa pangangampanya.
Ayon kay COMELEC Spokesman James Jimenez, matindi na rin ang labanan ngayon sa Facebook at Twitter maliban sa mainstream media.
Gayunman, inamin ni Jimenez na mahirap i-monitor ang online election campaign dahil iba ito sa radyo at telebisyon kung saan nagsusumite ang mga broadcast firm ng mga pumasok na political ads.
Voting system
Samantala, nakatakdang desisyunan bukas ng Commission on Elections (COMELEC) kung aling voting system ang gagamitin para sa May 2016 synchronized elections.
Ayon kay COMELEC Commissioner Luie Guia, nais ng COMELEC na bawasan ang ratio ng mga botante kada makina sa mga polling precincts.
Matatandaan na sinabi ni COMELEC Chairman Andres Bautista na ang ideal ratio dapat ay 600 hanggang 800, mas mababa sa dating 1,000 voters kada makina.
Sinabi pa ni Bautista na reresolbahin na lamang ng COMELEC kung ang augmentation ay magmumula sa mga refurbished na 81,897 Precinct Count Optical Scan (PCOS) machines o sa leased na 70,977 brand-new optical mark reader machines.
Aniya, kung alin man ang mapipili ay dadagdagan ng 23,000 omr units leased mula sa Smartmatic-Total Information Management (TIM) Corporation.
By Jelbert Perdez | Mariboy Ysibido