Pinaiimbestigahan na sa kamara ng Senior Citizen Party-List ang ilang organisasyon sa bansa na inaabuso ang Tulong Panghanap-buhay sa ating Disadvantaged/Displaced Workers o TUPAD Program ng Department of Labor and Employment.
Ito ay matapos gamitin ng mga organisasyong ito ang TUPAD Program para mangikil sa mga matatanda.
Sa House Resolution 506 na inihain ni Rodolfo Ordanes, Representative ng Senior Citizen Party-List, maraming reklamo silang natatanggap kaugnay sa paghingi umano ng “membership fee” sa mga matatanda upang makasama sa TUPAD Program.
Sa oras naman na maging ganap na miyembro, oobligahin ang mga matatanda na ibigay ang kalahati ng tinatanggap nila sa TUPAD.
Iginiit naman ng kinatawan na taliwas sa mandato ng tupad program ang mga reklamo at maituturing na krimen na dapat kasuhan.