Mahigpit na ipagbabawal ng Philippine National Police (PNP) ang paggamit o pagdadala ng e-cigarettes at iba pang vape products sa lahat ng mga lugar kung saan gaganapin ang 30th Southeast Asian (SEA) Games.
Kasunod na rin ito ng naging kautusan ni Pangulong Rodrigo Duterte na i-ban ang importasyon at paggamit ng vape sa mga pampublikong lugar.
Ayon kay NCRPO Acting Director Brig. General Debold Sinas, wala pa siyang natatanggap na ulat hinggil sa mga itatalagang smoking o vape zones sa 39 na SEA Games sports venue sa Metro Manila, Calabarzon, Central Luzon at La Union.
Aniya, kanilang dadakpin ang lahat ng mga mahuhuling gumagamit ng vape sa mga sports venue, dayuhan man o mga participants.
Gayunman, agad ding palalayain matapos mailagay sa police blotter ang insidente habang kukumpiskahin naman ang kanilang mga vape o e-cigarette.
Samantala, nilinaw naman ni Sinas na bagama’t hindi aarestuhin ang mga may dala lamang na vape, pagbabawalan naman ang mga itong pumasok sa anumang SEA Games venue. —ulat ni Jaymark Dagala (Patrol 9)