Inaprubahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang plano ni Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Mike Sueño na buhayin ang “Alsa Masa” at “Nakasaka” na pawang mga vigilante groups na naka-base Mindanao.
Ayon kay Sueño, pinaboran ni Duterte ang ideya na kunin ang serbisyo ng dalawang vigilante groups na maaaring makatulong sa kampanya laban sa iligal na droga.
Ang “Alsa Masa” at “Nakasaka” ay kapwa notoryosong “Killing Cadres” ng Communist Party of the Philippines at New People’s Army noong 1980s at 1990s.
Naniniwala si Sueño na epektibo at malaki ang maitutulong ng mga vigilante upang masugpo ang mga drug lords at gayundin ang kanilang mga galamay.
Gayunman, nilinaw ni Sueño na hindi magbibitbit ng baril ang “Alsa Masa” at “Nakasaka” dahil kukunin lamang ang mga ito bilang mga miyembro ng isang intelligence unit.
By Jelbert Perdez