Posibleng hindi maging praktikal para sa gobyerno ang panukalang gamitin na lamang para sa distance learning ang mawawalang frequency ng ABS-CBN.
Ito ayon kay dating DICT Secretary Rodolfo Salalima ay dahil magiging magastos ito para sa gobyerno lalo na’t kailangang kumuha ng mga taong magpapatakbo nito ng tuloy-tuloy na 24 oras.
Sinabi ni Salalima na mas mainam na ABS-CBN pa rin ang magpapatakbo at magbabayad na lamang ang gobyerno para sa oras na gagamitin sa distance learning.
Maaaring kunin na lamang aniya ang ilang dating empleyado ng media giant para sa bagong broadcast subalit dagdag na gastos ito kumpara kung ABS-CBN pa ang nagpapatakbo.
Binigyang diin ni Salalima na hindi uubrang ire-assign ang mga frequencies ng Kapamilya network dahil nakasaad sa batas na dapat itong ibigay sa pinakakuwalipikado at hindi sa kung sino lang.