Tinawag na tsismis ng Malacañang ang lumabas na ulat sa Chinese newspaper na Global Times na ginamit ng pamahalaan bilang collateral sa mga utang ng Pilipinas sa China ang mga likas na yaman sa bansa.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, kung walang maipakikitang dokumento ng kasunduan at tanging ulat lamang mula sa isang Chinese newspaper, hindi aniya matatanggap na katotohanan ito.
Una rito, isiniwalat ng pinuno ng Xiamen University’s Southeast Asian Studies Center sa Chinese newspaper na Global Times na kabilang sa mga loan agreements sa China ang paggamit sa mga natural resources bilang collateral.
Samantala, nagpahayag naman ng nagpakabahala sa nasabing ulat ang maritime expert at University of the Philippines Professor na si Jay Batongbacal na una na ring nagbabahala sa debt trap sa China.
Ayon kay Batongbacal, hindi niya lubos maisip na isa sa mahigit 7,000 isla sa bansa ang posibleng biglaang ipasara dahil nakasangla sa China.
Sinabi naman ni dating National Security Adviser Roilo Golez na nakakaalarma ang nasabing ulat at dapat linawin ng Department of Finance at National Economic and Development Authority o NEDA.
Nagbabala naman si Congressman Rodolfo Biazon na hindi dapat hinahayaan ng pamahalaan na malagay sa alanganin ang yaman at soberenya ng bansa kapag pumapasok sa kasunduan.
—-