Nanawagan si Pangulong Rodrigo Duterte ng pagtutulungan sa mga miyembro ng Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC) para sa pagpapaunlad, paggawa at distribusyon ng COVID-19 vaccines sa gitna ng patuloy na nararanasang pandemya sa buong mundo.
Sa kaniyang talumpati sa APEC informal leaders’ retreat, sinabi ng Pangulo na ito ay “urgent” lalo’t nagsusulputan ang mga variant ng COVID-19 na sinasabing mas nakakahawa.
Hinikayat rin ng Pangulo ang mga miyembro ng APEC na pigilan ang paglalagay ng barriers na makaka-apekto sa malayang daloy ng mga bakuna at iba pang essential products.
Dapat din umanong patatagin ang pagtatakda ng presyo sa mga bakuna sa lebel na abot kaya ng mga developing countries.
Ipinanawagan din ng punong ehekutibo ang partisipasyon ng micro, small and medium enterprises sa digital economy ngayong mas lumalaganap ang online activities dahil sa COVID-19 pandemic.
Ang isinagawang virtual summit ay ang kauna-unahang infromal meeting ng APEC leader upang talakayin ang maraming usapin lalo na ang kinakaharap na pandemya.