Isang resolusyon ang inihain ni Senador Grace Poe upang isulong ang paggawad ni Pangulong Rodrigo Duterte ng Quezon Service Cross Award kay dating Senador Miriam Santiago.
Ito’y sa gitna ng nakatakdang paggunita sa unang anibersaryo ng kamatayan ni Santiago, ngayong Setyembre 29.
Ayon kay Poe, dapat lamang gawaran ng nasabing parangal ang kapwa senador dahil sa pagiging ‘napakatalino’ at ‘napakahusay na public servant’.
Ang Quezon Service Cross Award ang pinaka-mataas na parangal na ibinibigay sa isang sibilyan na iginagawad ng Pangulo na may approval ng mataas at mababang kapulungan ng Kongreso.
Sa kaniyang sponsorship speech, ipinaliwanag ni Poe na inihain niya ang resolusyon upang ipakita sa publiko na hindi lahat ng pulitiko ay masama at magnanakaw.