Suportado ng Malakanyang ang panawagan na i-nominate si dating Senador Miriam Defensor-Santiago upang gawaran ng Quezon Service Cross.
Ayon kay Presidential Spokesman Ernesto Abella, sang-ayon sila sa nasabing hakbang na isinusulong ni Senadora Grace Poe.
Dapat lang aniyang pagkalooban ng nasabing parangal ang yumaong mambabatas at sakaling dumating sa Palasyo ang resolusyon, agad na inonomina ni Pangulong Rodrigo Duterte si Santiago para sa conferment.
Dagdag pa ng tagapagsalita ng Malakanyang, hindi matatawaran ang iniambag ng namayapang senador sa bansa at mataas ang respeto sa kanya ng punong ehekutibo.
Inihain ni Poe ang Resolution 508 para sa conferment ng dating Senador Santiago sa gitna ng paggunita sa unang anibersaryo ng kamatayan nito, ngayong Setyembre 29.