Iginiit ng Malakaniyang ang polisiya ng Duterte administration laban sa pagkakaroon ng bagong casino sa bansa.
Ito ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque ay kaya’t nagsasayang lamang ng pera ang Hongkong based firm na Landing International Development Limited sa paggawa ng integrated resort sa Paranaque City matapos una nang mabigyan ng lease contract ng Nayong Pilipino Foundation.
Sinabi pa ni Roque na tiyak na hindi bibigyan ng lisensya ng PAGCOR ang itinatayong integrated resort ng nasabing kumpanya.
Kasabay nito, muling kinalampag ng Palasyo ang Office of the Ombudsman na kasuhan na ang mga sinibak na opisyal ng Nayong Pilipino Foundation kahit pa walang nagrereklamo laban dito.
Magugunitang pinagsisibak ng Pangulong Rodrigo Duterte ang lahat ng board of director at management ng nasabing foundation dahil sa pagbibigay ng 75 taong lease contract sa naturang kumpanya.