Pinapurihan si Pangulong Rodrigo Duterte sa pahayag nito sa United Nations General Assembly kung saan iginiit nito ang arbitral ruling sa South China Sea na naipanalo ng Pilipinas laban sa China.
Isa na rito si dating Supreme Court Associate Justice Antonio Carpio na isa sa pinaka matagal nang ipinaglalaban ang soberanya ng bansa sa pinag-aagawang teritoryo, na tinanggap ng pangulo ang suporta ng ibang bansa sa 2016 ruling.
Kaugnay nito, umaasa si Carpio na ang naturang posisyon ng pangulo ay magiging polisiya na ng administrasyon maging sa ibang isyu gaya ng proteksyon ng exclusive economic zone, negosasyon sa code of conduct at pagkuha ng suporta ng international community para ipatupad ang arbitral award.
Napa-post naman sa twitter si Sen. Panfilo Lacson ng “alipin no more” na aniya’y malinaw na ngayon kung saan nakapanig ang bansa pagdating sa isyu ng south china sea at sana ay narinig umano ng China ang naging talumpati ni Pangulong Duterte.
Naniniwala naman si dating Foreign Affairs Sec. Albert Del Rosario na pagtalima sa itinakda ng konstitusyon na protektahan ang soberanya ng bansa ang ginawang paggiit ng pangulo sa arbitral award.
Sa kauna-unahang talumpati ni Pangulong Duterte sa un general assembly, iginiit nito ang napanalunang desisyon ng Pilipinas laban sa China sa usapin ng South China Sea sa kabila ng nauna niyang pagtangging hamunin ang China.