PINAAAPURA na ng Office of the Solicitor General (OSG) sa Supreme Court (SC) ang pagresolba sa kasong kinasasangkutan ng isang telco na may kinalaman sa P2.6 bilyon na atraso nito sa pamahalaan.
Ito’y makaraang maghain ng motion for early resolution ang OSG sa SC kung saan layon nitong ma-recover na ng gobyerno ang hindi nabayarang Supervision and Regulation Fee (SRF) at Spectrum User Fees (SUFs) ng Now Telecom, kabilang ang accumulated fines at penalties na nabigong bayaran ng telco.
Paliwanag ng SolGen, ang halagang ito ay malaking bagay para magamit sa COVID-19 response ng pamahalaan.
Batay pa rin sa mosyon, inihirit ng OSG sa SC na resolbahin na sa lalong madaling panahon ang kaso dahil ang bawat partidong sangkot ay nakapagsumite na naman ng kani-kanilang memoranda.
Natuklasan na ang P2.6-B na sinisingil ng gobyerno sa Now Telecom, na 85.32% ng mahigit sa P3 bilyon na “unresolved receivables” ng gobyerno, ay bahagi ng report ng state auditors mula Enero 1 hanggang Disyembre 31, 2020.
Ang reiterative motion ay una nang isinampa ng OSG para sa maagang resolusyon sa Korte Suprema noong Pebrero 2019.
Una nang kinuwestiyon ng Next Mobile, Inc, dating pangalan ng Now Telecom Company, Inc., ang desisyon at resolusyon ng Court of Appeals noong 2009, na nagpapatibay sa letter-assessment ng telecommunications regulatory body na naghahangad na mabawi na ang P126 milyon na SRF at halos P9.7 milyon sa SUF, noong Disyembre 2005.
Giit pa ng OSG, hanggang noong Disyembre 2020 ay umabot na ang unpaid obligation ng Now Telecom sa gobyerno sa P2,615,868,531.50, bukod sa iba pang penalties o multa.