Lalarga na simula ngayong araw ang filing ng Certificate Of Candidacy ng mga kandidato sa national at local level para sa 2022 elections.
Magsisimula ang paghahain ng COC kasabay ng pagbubukas ng tanggapan ng Commission on Elections, mamayang alas-8 ng umaga hanggang ala-5 ng hapon.
Para sa mga tatakbo sa national level, isasagawa ang filing sa harbor garden tent ng 5-star hotel na Sofitel, Pasay City.
Ayon kay COMELEC Spokesman James Jimenez, asahan na ang mahigpit na proseso hanggang sa pagtatapos ng filing sa October 8 dahil kailangan munang magpakita ng negatibong COVID-19 antigen test result ang mga kanditato.
Bukod sa mga ito, lahat ng mga makikilahok gaya ng mga tauhan ng COMELEC, security staff maging mga media ay kailangan ding magpakita nito.
Hindi tulad ng mga nakaraang COC filings, inabisuhan ng poll body ang mga kandidato na iwasan ang magarbong parada mistulang piyesta habang kailangan ding limitahan ang bilang ng mga kasama sa dalawa hanggang tatlo.—sa panulat ni Drew Nacino