Winelcome ng kampo ni Vice President Jejomar Binay ang paghahain ng certificate of candidacy ni Davao City Mayor Rodrigo Duterte para tumakbo sa pagka-pangulo sa 2016 elections.
Ayon kay Joey Salgado, pinuno ng Media Affairs ni VP Binay, dahil sa naturang hakbang ni Duterte ay mas dumami ang pagpipilian ng mga botante sa halalan.
Iginiit pa ni Salgado na dapat ang magiging susunod na pangulo ng bansa ay kayang resolbahin ang isyu ng kahirapan, kagutuman at kawalang trabaho.
Bago ito, una nang inihayag ni Binay na pareho silang naging alkalde ni Duterte at kwalipikado rin si Mayor Digong na sumabak sa presidential race.
Poe
Samantala, ayaw namang magpakampante ni Senador Grace Poe sa opisyal na pagsabak sa 2016 Presidential elections ni Davao City Mayor Rodrigo Duterte.
Ayon kay Poe, hindi nila mamaliitin at babalewalain ang sinumang makakalaban niya sa pampanguluhang halalan.
Bagamat sa pinakabagong Pulse Asia survey sa Metro Manila ay nanguna na si Duterte, pero ayon kay Poe, walang permanente sa survey dahil lagi itong mag-iiba-iba.
Para sa senador, lahat ng lumalaban ay may kanya-kanyang potensyal, lakas at kahinaan kaya’t lahat aniya sila ay kailangang magtrabaho ng husto.
Hindi nakiisa si Poe sa mga kumukwestyon sa kuwalipikasyon ni Duterte sa pagtakbo sa pagkapangulo sa pagsasabing para sa kanya, dapat itong payagang tumakbo at hayaan na lang ang taumbayan magpasya kung sino ang gusto nila na susunod na mamuno sa bansa.
By Meann Tanbio | Allan Francisco | Cely Bueno (Patrol 19)