Ipinauubaya na ng Department of Transportation and Communications (DOTC) sa Department of Justice (DOJ) at sa prosecution service ang pagpapasya kung kakasuhan o hindi ang mga nahulihan ng bala sa NAIA.
Ayon kay DOTC Secretary Jun Abaya, hindi naman sanay at walang kakayahan ang kanyang mga tauhan sa OTS o Office for Transportation Security na magpasya kung palalampasin o pakakasuhan ang isang pasahero na nahulihan ng bala.
Una rito, ilang OFW tulad ni Milagros Cadiente ang aminadong may dalang bala subalit ito aniya ay anting-anting lamang at wala namang lamang pulbura.
“Yung eventually nag-dedecide o ahensya ng pamahalaan na nag-dedecide kakasuhan ba ito o hindi ay ang prosecution, yung may probable cause kung ibababa natin ito sa lebel ng OTS scanner na ang puno’t dulo ng training niya ay mag-detect ng prohibited item, hindi po siya trained in law, hindi siya trained in evidence.” Ani Abaya.
Iginiit ni Abaya ang aniya’y taos sa pusong paghingi ng paumanhin sa mga naarestong OFW’s .
Ayon kay Abaya, kumbinsido naman siya na talagang inosente ang mga OFW’s sa akusasyon subalit mayroon lamang talagang proseso na sinusunod ang mga tauhan sa airport.
“Di naman ako nag-aatubiling umamin kung may pagkukulang kami, I always speak from the heart and from the very start bago pa nagka-hearing hearing talagang naniniwala naman ako na itong mga OFW natin ay inosente dito, yun lang yung ating mga screeners at Kapulisan, may mga procedures na dapat silang sundan dahil may batas na na-enforced.” Pahayag ni Abaya.
By Len Aguirre | Ratsada Balita