Pinag-aaralan na ng organizer ng Maginhawa Community Pantry ang paghahain ng kaso laban sa mga patuloy na nagre-red tag sa kanya at iba pang nasa likod ng mga community pantry.
Ayon kay Ana Patricia Non, maraming nag-aalok ng legal service sa kanya para balikan ang mga nag-aakusa sa kanyang miyembro siya ng rebeldeng New People’s Army (NPA) at ginagamit ang community pantry para makapagrecruit.
Siniguro rin ni Non na kaya niyang patunayan na hindi siya miyembro ng NPA at tanging ang intensyon niya sa pagtatayo ng Maginhawa Community Pantry ay makatulong sa mga Pilipinong labis na naapektuhan ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic.
Walang polyetos, flyers na sinisingit sa pagkain sa Maginhawa Community Pantry –organizer
Umalma si Ana Patricia Non sa iginigiit ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) na sinisingitan nila ng mga polyetos at flyers ang mga kinukuhang pagkain ng mga pumipila sa Maginhawa Community Pantry.
Ayon kay Non, ang tanging ipinamimigay nila o iniaabot sa mga pumipila sa pantry ay alcohol bilang bahagi na rin ng safety protocols laban sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Ipinabatid ni Non na halos buong araw ang media coverage sa kanilang community pantry at ito ang maaaring makapagsabi kung mayroong ipinamimigay na anumang may kinalaman sa New People’s Army (NPA) sa lugar.