Inihayag ni Senador Ping Lacson na baka maging moot and academic na lang ang paghahain ng petisyon o pagkwestyun sa legalidad ng posisyon ni Lt./Gen. Antonio Parlade bilang spokesperson ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC).
Ayon kay Lacson, ito’y dahil sa magreretiro na sa buwan ng Hulyo si Parlade.
Baka anya hanggang sa pagretiro ni Parlade ay wala pang desisyon ang korte dahil ngayong may pandemya minsan ay online rin ang trabaho ng korte.
Giit ni Lacson bagama’t maari talaga nilang idulog sa supreme court ang kwestyunableng posisyon ni Parlade, baka lang aniya pag-aaksaya lang ito ng panahon.
Magugunitang sinabi ni Lacson, na tila ignorante at nanadya si NTF-ELCAC Vice Chairman at National Security Adviser Hermogenes Esperon makaraang sa halip na tanggalin ay pinanatili si Parlade at dinagdagan pa ng anim ang tagapagsalita ng naturang task force. —ulat mula kay Cely Ortega-Bueno (Patrol 19)