Sumiklab ang tensyon sa Makati City Hall makaraang i-silbi na ng Department of Interior and Local Government (DILG) ang anim na buwang preventive suspension order laban kay Makati Mayor Junjun Binay at iba pang opisyal ng syudad.
Nagkabatuhan ng silya at iba pa ang mga supporters ni Binay at mga pulis na nag escort sa opisyal ng DILG na nagpaskel ng suspension order sa entrance ng Makati City Hall.
Maliban sa isang pulis na napaulat na nasaktan, agad rin umanong humupa ang tensyon.
Ito na ang ikalawang pagkakataon na sinuspindi ng Ombudsman si Binay.
Ang una ay dahil sa kasong katiwalian dahil sa di umano’y overpriced na Makati City Hall Building 2, samantalang dahil naman sa di umano’y overpriced rin na gusali sa Makati Science High School ang ikalawang suspension order.
*********
Naging paralisado ang Makati City Hall kasunod pagbarikada ng PNP-NCRPO sa lahat ng entrada papasok ng Makati City Hall.
Humigit kumulang sa 800 pulis na ang nagbabantay sa Makati City Hall kung saan naroon sina Makati City Mayor Junjun Binay, Vice President Jejomar Binay at ilang opisyales at supporters ng mga Binay.
Bawat barikada ay bantay-sarado ng mga pulis na mayroong kalasag at batuta.
Samantala, nagbabala naman ang mga supporters ng mga Binay, tatapatan nila ng puwersa ang bawat barikadang inilagay ng mga pulis.
By Len Aguirre | Kevyn Reyes | Jopel Pelenio