Itinanggi ng DSWD o Department of Social Welfare and Development na may kinalaman sila sa paghahakot ng mga taong-kalye ng lokal na pamahalaan ng Maynila bilang paghahanda sa pagdaraos ng Miss Universe sa Enero 2017.
Sinabi ni DSWD Secretary Judy Taguiwalo na mayroong awtonomiya ang lokal na pamahalaan at hindi kailangang magbigay ng basbas ang DSWD para umaksyon ang mga Local Social Welfare Office sa mga taong kalye sa kanilang mga nasasakupan.
Idinagdag pa ni Taguiwalo na walang direktiba si Pangulong Rodrigo Duterte sa DSWD na hakutin at itago ang mga taong kalye dahil naniniwala siya na dapat makita ng mga kandidata ang reyalidad sa bansa lalo na’t ang karamihan naman sa kanila’y mula rin sa 3rd World Country gaya ng Filipinas.
Matatandaang nang idaos ang APEC Summit noong Nobyembre 2015 sa bansa, kinondena ng ilang grupo ang ginawang paghakot ng DSWD na noo’y pinamumunuan ni Dinky Soliman at ng Manila Social Welfare Department sa mga pobreng nakita nila sa mga kalye na ikinulong sa Boys Town Center, Reception and Action Center, at Fabella Center.
By: Meann Tanbio / Aileen Taliping