Nakatakdang magpulong ngayong araw ang Judicial and Bar Council o JBC para pormal na buksan ang paghahanap ng bagong punong mahistrado ng Korte Suprema.
Ito ay matapos isapinal na ng Korte Suprema ang kanilang desisyon sa quo warranto petition na nagpapatalsik kay Maria Lourdes Sereno sa puwesto noong Hunyo 19.
Batay sa isinasaad ng konstitusyon, may siyamnapung (90) araw mula noong Hunyo 19 si Pangulong Rodrigo Duterte para pumili ng kapalit ni Sereno mula sa listahan na isusumite ng JBC.
Kabilang sa kuwalipikasyon ng pipiliing Chief Justice ay natural born citizen, may edad na kuwarenta anyos pataas, may karanasan na bilang hukom o isang law practice sa loob ng labing limang taon at napatunayang may kakayahan, dangal at katapatan.
Samantala, inaasahang pagbobotohan din ng JBC ngayong araw ang mga nominado para sa mababakanteng posisyon ni Associate Justice Presbitero Velasco at Ombudsman Conchita Carpio Morales.
—-