Itinakda na sa susunod na linggo ng JBC o Judicial and Bar Council ang panel interview para sa mga aplikante ng mababakanteng posisyon ni Ombudsman Conchita Carpio Morales.
Sasalang sa pagtatanong ng mga miyembro ng JBC ang siyam na aplikante para sa naturang posisyon sa Hunyo 20 ngayong taon.
Hahatiin sa dalawang batch ang panel interview kung saan unang isasalang sa umaga ng nabanggit na petsa sina Labor Secretary Silvestre Bello III, Sandiganbayan Associate Justice Efren Dela Cruz, Atty. Edna Batacan, Atty. Rey Ifurung at Atty. Rainier Madrid.
Habang sa hapon naman, nakatakdang sumailalim sa pagtatanong sina Supreme Court Associate Justice Samuel Martires, Dating Sandiganbayan Presiding Justice at kasalukuyang Special Prosecutor ng Ombudsman na si Edilberto Sandoval, Atty. Felito Ramirez at Atty. Rex Rico.
Aplikante rin sa nasabing pwesto si Davao Judge Carlos Espero II ngunit hindi ito sasalang sa panel interview ng JBC dahil may bisa pa ang huling panayam sa kanya siya ay nag-aplay para sa posisyon ng supreme court associate justice.