Palaisipan pa para sa Philippine National Railways (PNR) kung saan hahagilapin ang pondo para sa krudo sa oras na umarangkada na ang “libreng sakay” program para sa mga estudyante sa susunod na buwan.
Ayon kay PNR assistant manager Celeste Lauta, aabot sa P8 million hanggang P9 million kada buwan ang mawawalang kita ng PNR sa implementasyon ng nasabing programa.
Nilinaw ni Lauta na hindi sila katulad ng MRT na may garantisadong subsidiya galing sa gobyerno dahil mismong ang PNR ang naglalabas ng pondo para sa pampasahod, operational cost at mga pambili ng mga piyesa na wala sa General Appropriations Act.
Nagmumula anya ito sa kinikita ng PNR, partikular sa mga Non-Railway Revenue gaya ng pagpaparenta sa mga lupain ng nasabing railway transit.
Una nang inanunsyo ng Department of Transportation na ipagpapatuloy ng Marcos Administration ang “Libreng Sakay Program” sa EDSA Bus Carousel hanggang December 2022.
Magtatapos naman ang libreng sakay ng MRT-3, LRT-2 at PNR para sa mga estudyante sa Nobyembre.
Bagaman magiging available lamang sa mga piling oras ang libreng sakay sa tatlong railway transit, nangangamba naman si LRTA spokesman, Atty. Hernando Cabrera na gamitin ang nasabing programa kahit wala ng pasok o kahit late na sa pag-uwi.