Tuloy ang paghahanap ng mga otoridad sa labi ni Mayor Gisela Boniel ng Bien Unido sa Bohol matapos umanong itapon ng asawa nito ang labi nito kasunod nang pagpatay sa kanya.
Ayon sa mga otoridad, sinusuyod na ng divers ng PCG o Philippine Coast Guard, Lapu-Lapu Disaster Group at volunteers divers ang karagatan para makita ang labi ni Boniel.
Samantala, natatakot na rin umano sa kaniyang seguridad ang kaibigan ng alkalde na si Angela Leyson matapos niyang i-report ang pangyayari at idiin ang asawa ng mayor na si Board Member Niño Rey Boniel na mastermind sa nasabing krimen.
Tiniyak ni Leyson na hindi siya titigil hangga’t hindi nakikita ang labi ng kaibigan at tuluyang makuha ang hustisya para rito.
Paghahanap sa labi ni Mayor Boniel pansamantalang itinigil
Natigil ang paghahanap sa karagatan ng labi ni Mayor Gisela Boniel ng Bien Unido sa Bohol dahil sa masamang panahon.
Ayon sa report, 10:00 ng umaga ng Sabado nang ipatigil ni Lapu-Lapu City Police Office Chief Senior Superintendent Rommel Cabagnot ang retrieval operations.
Nai-plot na o nai-ayos na ng police at navy retrieval teams ang lugar kung saan posibleng itinapon ang labi ni Boniel bago ipinatigil ang paghahanap dito.
Sinabi ng PNP o Philippine National Police na ang mga impormasyon hinggil sa posibleng pinagtapunan sa labi ni Boniel ay ibinigay ng kaanak nitong si Riolito Boniel.
Ibinunyag ni Riolito Boniel na nakita niya kung paano pinatay ng kaniyang asawang si Bohol Provincial Board Member Niño Rey Boniel ang alkalde.
Lumalabas sa report na mismong si Riolito ang nagsabi sa mga otoridad kung saan nila itinapon ang labi ng alkalde.
By Judith Estrada – Larino