Pahirapan ang paghahanap ng mga awtoridad sa dalawang (2) pasahero ng nawawalang eroplano sa bayan ng San Jose, Occidental Mindoro.
Ayon kay Lt/Commander Eddyson Abanilla, hepe ng Philippine Coast Guard – Occidental Mindoro, hindi sila titigil hangga’t hindi nila nahahanap ang Pinoy na piloto ng nasabing eroplano at Saudi national na estudyante nito.
Tumanggi rin ang pamunuan ng Orient Aviation Flying School na magbigay ng anumang pahayag hangga’t hindi pa rin nakikita ang kanilang nawawalang eroplano.
Sa panig naman ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP), sinabi sa DWIZ ni CAAP spokesman Eric Apolonio na maliban sa karagatan, susuyurin din sa search and rescue ang magubat na bahagi ng San Jose dahil posibleng doon bumagsak ang eroplano.
Well, so far, tinrace na nga ng ating mga rescue at wala pa silang nakikita dahil ‘yung pip na tinatawag ng aircraft nawala na. So wala naman kasing tinatawag na special equipment ‘yan para ma-trace nila. So, magrerely tayo ngayon du’n sa search and rescue visual.” ani Apolonio.
Sakaling matagpuan na ang nawawalang eroplano gayundin ang dalawang sakay nito, sinabi ni Apolonio na doon na papasok ang kanilang airline investigator upang tukuyin kung sino ang dapat managot at kung may kapabayaan bang nangyari sa insidente.
Diyan ho papasok ‘yung ating aircraft accident investigators. Naka-standby po sila dahil wala pa ‘yung subject na aircraft, e. ‘Pag nakita ‘yon, sila ang mag-iimbestiga niyan.” paliwanag ni Apolonio.
Todong Nationwide Talakayan Interview