Kasado na ang mga ginagawang paghahanda sa lalawigan ng Bataan kaugnay ng ika-76 na anibersaryo ng Araw ng Kagitingan bukas, Abril 9.
Inaasahang pangungunahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang isang programa sa Mt. Samat sa bayan ng Pilar bago ito tumulak sa kaniyang biyahe patungong China.
Kasabay nito, naghandog naman ng maghapong libreng sakay para sa mga beterano ang Mrt o Metro Rail Transit Line 3 na nagsimula nuong Abril 6 na tatagal naman hanggang Abril 11.
Sarado naman ang embahada ng Amerika gayundin ang mga bangko bukas na deklaradong regular holiday.
Samantala, nagpaalala naman ang DOLE o Department of Labor sa mga employer kaugnay ng holiday pay rules bukas.
Dapat makatanggap ng doble o dalawandaang porsyento ng kanilang arawang sahod ang mga papasok sa kanilang trabaho sa nasabing araw, bukod pa sa tatlumpung porsyentong dagdag sa arawang sahod sa bawat oras sakaling sila’y mag-overtime.
Kung day off naman ang pinapasok ang isang empleyado, dapat itong makatanggap ng dagdag na tatlumpung porsyento bukod pa sa doble ng arawang sahod at karagdagang tatlumpung porsyento kada oras kung sila’y mag-oovertime.