Umarangkada na ang registration para sa mga nais bumoto sa barangay at Sangguniang Kabataan eleksyon sa Oktubre 31 ng taong ito.
Ayon kay Commission on Elections (COMELEC) Chairman Andy Bautista, tatagal ang registration hanggang sa Katapusan ng Hulyo at sakop nito ang mga kabataang may edad 15 hanggang 17 taong gulang.
Puwede rin anyang samantalahin ng mga hindi nakapagpa-biometrics na botante noong May 9 elections ang registration period gayundin ng mga OFW’s na nakauwi na sa bansa.
Tiniyak ni Bautista na puspusan ang ginagawa nilang paghahanda para sa SK at barangay elections maliban na lamang kung may ipapasang batas ang Kongreso na nagpapalibang muli sa eleksyon.
Bahagi ng pahayag ni COMELEC Chairman Andres Bautista
Bagamat maaaring makaboto sa SK elections ang mga may edad 15 hanggang 30 taong gulang, ang mga pinapayagan lamang tumakbo sa eleksyon ay yung may edad 15 hanggang 24 na taong gulang.
Ipinaalala rin ni Bautista na hindi puwedeng kumandidato sa SK elections ang mga mayroong kamag-anak na opisyal ng pamahalaan hanggang 4th degree of consanguinity.
Bahagi ng pahayag ni COMELEC Chairman Andres Bautista
By Len Aguirre | Ratsada Balita