Handang-handa na ang Manila Police District o MPD sa traslacion kaugnay sa pista ng Itim na Nazareno sa Enero 9, araw ng Martes.
Tiniyak ito sa DWIZ ni MPD Spokesman Supt. Erwin Margarejo na nagsabi ring wala silang babaguhin sa naikasa nilang contingency measures noong isang taon bagamat dadagdagan nila ang tropa ng mga pulis na magbabantay sa takbo ng traslacion.
Hihingi aniya sila ng dagdag-puwersa sa NCRPO para mapalakas ang kanilang tropa at maging maayos ang pagpapatupad ng seguridad dito.
Ipinabatid ni Margarejo na nabuo na nila ang tatlong task groups para sa kapistahan ng itim na Nazareno at kabilang dito ang tututok sa seguridad, emergency preparedness at peace and order.
“Ang mga magagandang ipinatupad natin noong nakaraang taon ay ime-maintain lang po natin sa ngayon pero mas daragdagan natin yung pulis na gagamitin considering na sa aming evaluation, ang estimated crowd ay nadaragdagan annually ng 15 to 20 percent increase kaya gagamit tayo ng mahigit 5,000 pulis, wala pa diyan ang augmentation mula sa NCRPO at regional offices.” Pahayag ni Margarejo
Kaugnay nito, ininspeksyon na ng mga opisyal ng MPD at Quiapo Church ang rutang dadaanan ng Itim na Nazareno sa traslacion sa January 9.
Pinangunahan nina MPD Director Joel Coronel at Monsignor Hernando Ding Coronel, Rector ng Quiapo Church ang inspeksyon kasama ang mga opisyal ng DPWH mula Quirino Grandstand sa Rizal Park haggang P. Burgos Street.
Nabatid na mag-iiba ng ruta ang traslacion ngayong taon kung saan sa halip na sa eastbound lane ng P. Burgos at Lagusnilad ang prusisyon ay tutungo sa Westbound Lane ng P. Burgos.
Sinabi ni Coronel na dahil sa inaasahan nilang malaking bilang ng devotees mas ligtas kung ang prusisyon ay hindi na dadaan sa Lagusnilad.
Clearing ops
Lilinisin ang lahat ng mga obstructions o harang sa mga lansangan para sa traslacion kaugnay sa kapistahan ng Itim na Nazareno.
Ipinabatid ito ni MPD Director Chief Supt. Joel Coronel matapos ang isinagawang inspeksyon sa dadaanan ng prusisyon.
Sinabi ni Coronel na maglalabas sila ng final advisory kabilang ang rerouting plan para sa mga sasakyan sa Biyernes, Enero 5.
Ayon pa kay Coronel, wala namang banta sa kasalukuyan kaugnay sa pista ng Itim na Nazareno.
Samantala, pinayuhan naman ni Monsignor Hernando Ding Coronel, rector ng Quiapo Church ang mga buntis at may mga sakit lalo na sa puso na huwag nang sumama sa traslacion para na rin sa kanilang kaligtasan.
(Balitang Todong Lakas Interview)