Puspusan na ang paghahanda para sa ikalawang presidential debate na gagawin sa susunod na linggo, Marso 20, sa University of the Philippines Cebu.
Kayang i-accomodate sa loob ng bulwagan ang 500 katao, subalit bilang bahagi ng seguridad, lilimitahan ito sa 300 katao lamang.
Naglagay din ng bleachers sa labas ng venue, para sa karagdagang 1, 500 na audience.
Time
Mas mahaba ng isang oras ang ikalawang presidential debate.
Ayon sa ulat ng Philippine Star na isa sa mga host media outlet ng debate kasama ang TV5, tatagal ng 3 oras ang ikalawang Pili-Pinas debate na magsisimula ng ala-5:00 ng hapon hanggang alas-8:00 ng gabi.
Babawasan na din anila ang commercial sa buong panahon ng debate bilang tugon sa reklamo ng publiko noong first presidential debate na napakahaba umano ng commercial breaks.
Dahil dito, madadagdagan na rin ang oras ng pagbibigay ng mensahe at pagsagot ng mga kandidato.
Kung dati, 90 segundo lamang ibinibigay na oras para magbigay ng sagot, ngayon 2 minuto na ito. Habang kalahating minuto naman para magbigay ng rebuttal ang kadebateng kandidato.
Kung matatandaan noong Pebrero sa unang debate na inere ng GMA 7 kasama ang Inquirer, dalawang oras lamang nagtagal ang programa mula ala-5:00 hanggang ala-7:00 ng gabi na ginanap sa Mindanao.
Attendance
Kumpirmado na ang pagdalo ng 5 presidentiables sa debate.
Ayon kay Luchi Cruz Valdez, Hepe ng News Department ng TV 5 na siyang mag-eere ng ikalawang debate sa Cebu, nagbitiw na ng salita ang mga kinatawan ng 5 kandidato sa kanilang pinakahuling pagpupulong kasama ang mga opisyal ng Comelec, at KBP o Kapisanan ng mga Brodkaster ng Pilipinas.
Panel discussion ang format ng unang bahagi ng presidential debate kung saan si Valdez ang magisilbing moderator.
Bubuo naman sa panel na siyang magtatanong sa mga kandidato ay sina TV5 News Anchor Erwin Tulfo, TV5 Public Affairs Host Lourd de Veyra, Bloomberg TV Host Anthony Abad, RMN News Anchor Rufill Banoc, The Philippine Star Editor-in-Chief Ana Marie Pamintuan at Associate Editor Marichu Villanueva.
Sa ikalawang bahagi naman ng debate, one-on-one ang magiging format kung saan bubunot ang mga kandidato ng presidentiable na kanilang tatanungin o sasabunin.
By Katrina Valle | Jonathan Andal