Nagsimula na ang paghahanda ng Archdiocese of Manila sa pagdating ng ika-33 arzobispo nito sa katauhan ni Jose Cardinal Advincula.
Isang araw matapos pormal na i-anunsyo ng Vatican ang pagkakatalaga ni Pope Francis kay Advincula na pamunuan ang makapangyarihan at maimpluwensyang archdiocese sa bansa.
Batay sa Facebook post ng Manila Cathedral, sinimulan nang ayusin ang “cathedra” o ang luklukan ng sinumang manunungkulang arzobispo ng Maynila.
Tinanggal ang marmol na nakakabit sa sandalan nito para maipakitang muli sa publiko ang orihinal na marmol na nakakabit dito na nagmula pa sa Roma nuon pang 1957.
Subalit laking gulat ng mga tagapamahala ng katedral nang tumambad ang sinaunang coat of arms ng unang pilipinong kardinal na si rufino santos sa itaas na bahagi ng cathedral at ito’y inalis upang palitan ng insignia ng bagong arzobispo.
Si Cardinal Advincula ay tubong Capiz at kasalukuyang nagsisilbing arzobispo ng nasabing lalawigan kung saan niya ginugol ang maraming taon sa pagtuturo sa seminaryo.
Wala pang eksaktong petsa kung kailan isasagawa ang installation rites para sa bagong arzobispo ng maynila na itinalaga kasabay ng ika-limandaang anibersaryo ng pagdating ng kristiyanismo sa Pilipinas.