Inanunsiyo na ng PAGASA, na sa kalagitnaan ng buwan ng Hunyo ay tiyak na papasok na ang wet season o panahon ng tag-ulan dulot ng unti-unti nang pagpapakita ng ilang criteria o batayan para ganap na ideklara ang pagpasok ng rainy season.
Ang ilan sa mga criteria ay ang pagpasok ng southwest monsoon o hanging habagat at ang 25 millimeter na buhos ng ulan o rainfall na maitatala mula sa lima sa walong PAGASA Stations sa buong kapuluan sa loob ng sunod-sunod na limang araw.
Pero wala pa nga ang pormal na anunsiyo, ay nakaranas na ng mga pagbaha ang ilang lungsod sa National Capital Region o Metro Manila partikular sa mga lungsod ng Quezon at Maynila.
Hindi rin diyan abswelto o ligtas ang mga lungsod sa Visayas at Mindanao, lalong-lalo na nitong nagdaang buwan tulad sa Davao City.
Ika nga, konting buhos ng ulan lamang dulot ng localized thunderstorm ay lubog sa tubig-baha agad ang kalungsuran.
Bakit kanyo, iyan ay dahil sa nakalipas na buwan ay todo-sikat ng araw, ay wala namang ginawa ang mga ahensiyang dapat magmasid sa mga kalagayan ng lahat ng posibleng dadaluyan ng tubig-ulan.
Dapat nga, habang wala pa ang tag-ulan ay patuloy ang paglilinis ng mga ahensiya tulad ng Metro Manila Development Authority (MMDA) at ng Department of Public Works and Highways (DPWH), at siyempre ang Local Government Units.
Pero siyempre, dahil walang pumupuna sa kanila, aantayin muna nilang magkaroon ng ganitong eksena na may binahaang lugar bago kikilos ang mga otoridad.
Ang tawag diyan ay pagiging ningas-kugon ng bawat Pilipino.
Kaya ayun ang perwisyong hatid nitong di paglilinis ng mga estero at ilang daluyan ng tubig tulad ng mga kanal at ilog sa Metro Manila.
Ilang sasakyan ang nalubog sa kasagsagan ng malakas na buhos ng ulan, naku hindi ho mabilang at tiyak na dadagsain ang mga kompaniya ng Insurance.
Sa dinami-dami na nating karanasan ng mga pagbaha sa kanayunan, siguro naman ay natuto na tayo sa mga aral na hatid ng mga ganitong insidente.
Simulan nang magbayanihan o tulong-tulong para malinis ang mga estero’t-ilog para sa ganun, kung may bibisitang sama ng panahon o bagyo, ay huwag tayong mabiktima muli ng mga pagbaha.