Sinimulan na ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang pagbabaklas at pag-aalis sa mga sagabal o obstruction sa mga lansangan malapit sa pinakamalalaking sementeryo sa Metro Manila.
Ito ay bilang paghahanda na rin ng ahensiya sa papalapit na Undas.
Ayon sa MMDA, nakatoka ang kanilang Task Force Special Operations sa paglilinis sa mga kalsada habang ang Metro Parkway Clearing Group naman sa bisinidad ng malalaking sementeryo.
Kabilang sa mga babantayan ng MMDA ang Manila North Cemetery sa Maynila, Manila South Cemetery sa Makati, Loyola Memorial sa Marikina, Bagbag Cemetery sa Quezon City at Manila Memorial Park sa Parañaque.
Simula naman Oktubre 27, pagaganahin na ng MMDA ang kanilang oplan undas kung saan magpapakalat na ng nasa 2,000 traffic personnel sa mga critical area mula umaga hanggang gabi.
Maaga na ring inanunsyo ng MMDA ang kanselasyon ng number coding sa Nobyembre 1 at 2 na deklaradong special non-working holiday.