Pinaigting pa ng DSWD o Department of Social Welfare and development ang paghakot sa mga batang kalye lalo na ang mga nagsimula nang mamasko sa kalsada lalo na sa mga motorista.
Ayon kay DSWD Assistant Secretary JV Jimenez, target nilang mawala ang mga batang kumakatok sa mga kotse, sumasakay sa mga jeep at humihingi ng Pamasko.
Mayroon na aniyang ugnayan ang DSWD at mga local government units upang magkaroon ng aktibidad sa kinabibilangan nilang barangay ang mga bata at hindi na manghihingi sa kalye.
Una nang sinabi ni DSWD Secretary Dinky Soliman na P100,000 piso ang inilaan nila sa bawat barangay sa mga kritikal na lugar upang magsagawa ng mga aktibidad na puwedeng lahukan ng mga bata ngayong Kapaskuhan.
“Ang kalye ay hindi po tamang lugar sa mga bata, mapanganib po itong lugar, nakikipag-ugnayan na tayo sa mga lokal na pamahalaan para magkaroon ng iba’t ibang mga programa para hindi na po sila sa kalye pupunta kundi sa kanilang mga barangay hall, o mga lugar ng kanilang simbahan kung saan puwede silang tulungan at mabigyan ng konting pamasko.” Pahayag ni Jimenez.
By Len Aguirre | Balitang Todong Lakas