Binatikos ng isang mambabatas sa Hong Kong ang pagharang ng immigration officers kay dating ombudsman Conchita Carpio Morales para makapasok ng Hong Kong.
Tinawag ni Ted Hui Chi-Fung, miyembro ng Hong Kong Legislative Council ang nasabing hakbang na unreasonable at paglabag sa rule of law.
Ayon pa kay Hui, tila political kaysa security reasons ang kinonsidera sa pagharang sa dating ombudsman lalo na’t wala naman aniyang kinalaman o kapangyarihan ang immigration authorities na magpasya sa legal matters.
Tinukoy ni Hui na miyembro ng democratic party ang isinampang reklamo ni Morales kasama si dating foreign affairs secretary Albert Del Rosario sa International Criminal Court laban kay Chinese President Xi Jinping at iba pang Chinese officials dahil sa crimes against humanity kaugnay sa mga aktibidad ng bansa sa West Philippines Sea.
Malinaw aniyang isang barbaric act ang deportation ni Morales base lamang sa isang kaso sa korte.