Pinuna ni Buhay Partylist Representative Lito Atienza ang paraan ng paghawak ng kapwa niya mambabatas sa usapin ng death penalty bill.
Sa panayam ng programang “Balitang Todong Lakas”, sinabi ni Atienza na hindi ito dapat idaan sa init ng ulo ni Deputy Speaker at Batangas Rep. Raneo Abu lalo’t maselan na usapin ang panukalang ibalik ang parusang kamatayan.
“Idinadaan nila sa sigaw, hindi puwede, pare-pareho tayong halal ng bayan dito, we have to respect each other and we have rules to follow.” Ani Atienza.
Hindi rin nagustuhan ni Atienza ang nangyari sa isinagawang debate kagabi kung saan dinaan pa sa botohan ang kwestyon sa quorum.
Kung wala aniyang quorum ay dapat nag-adjourn na ang sesyon, kaya dito na nagsalita si Cong. Edcel Lagman na dapat idaan ito sa nominal voting.
Iginiit pa ni Atienza na dapat sinusunod ng majority ang house rules.
Partikular na pinatutungkulan ni Atienza si House Majority Leader Rudy Fariñas na nagsabing tapusin na ang debate sa death penalty bill.
“Tapos nagsalita naman si Majority Leader Fariñas na kung ganito tayo ng ganito ay tatapusin na namin ang debate, nasa sainyo na yun, tapusin niyo ang debate at huwag niyong pagsalitain ang lahat, ganito ng ganito ang gawin natin sa Kongreso, tignan natin kung tayo naman eh susuportahan ng taongbayan, the majority can do anything they want, they can violate the rules, they can railroad anything, but will the people allow it?” Pahayag ni Atienza
Related Story: (READ) CGMA di magbabago ang posisyon sa death penalty—Atienza
By Meann Tanbio | Balitang Todong Lakas (Interview)