Ikinadismaya ng grupo ng mga nurse ang ginagawang paghihigpit ng Commission on Elections (Comelec) para sa 2022 national and local election.
Ayon kay Filipino Nurses United President Maristela Abenojar, masyadong maraming requirements ang hinihingi ng poll body bago payagan ang kanilang party-list group sa susunod na halalan.
Dagdag pa ni Abenojar, na nagsumite na sila sa komisyon ng kanilang mga dokumento noon pang buwan ng marso bilang pruweba na totoong mga nurse ang kanilang mga miyembro.
Pero nito lamang Oktubre a-kuwatro ay ibinasura ng first division ng Comelec ang kanilang application for accreditation.
Agad na umapela ang kanilang grupo at kinuwestiyon ang naging desisyon ng komisyon at patuloy silang umaasa na bibigyan ng Comelec ng boses at karapatan ang mga nurse.
Sakaling mahalal ang naturang grupo ay kanilang uunahin ang pagpapataas sa sweldo at benepisyo ng mga health workers at agad na tutugunan ang medikal na pangangailangan ng mga mahihirap.—sa panulat ni Angelica Doctolero