Hindi pa napag-uusapan ng pamahalaan ang posibleng pagpapatupad muli ng mas mahigpit na lockdown sa kabila ng muling pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa bansa.
Ayon kay Defense Secretary Delfin Lorenzana, lumalabas na sa ngayon ay nasa kamay ng local government unit (LGU) kung papaano nila mapipigilan ang pagtaas ng kaso ng nakahahawang sakit sa kanilang mga nasasakupan.
Aminado aniya siya na nakakaalarma ang muling pagsirit ng kaso ng COVID-19 lalo’t ramdam na rin ito sa mga ospital partikular sa National Capital Region (NCR).
Bagama’t hindi pa natatalakay ang lockdown, hinihikayat aniya nila ang lgus na magpatupad ng mas mahigpit na health protocols para makatulong na mapababa ang bilang ng kaso ng COVID-19 sa bansa habang naghihintay pa ng iba pang suplay ng bakuna.