Inalmahan ng isang access advocate group ang paglimita ng Office of the Ombudsman sa public access sa statement of assets, liabilities and net worth (SALN) ng mga opisyal ng pamahalaan.
Ayon kay Atty. Eirene Aguila, Co-Convenor ng Right to Know Right Now, wala itong basehan at sa halip ay taliwas sa Saligang Batas.
Ani Aguila wala na ngang batas na umiiral sa bansa para sa Freedom of Information Act kung saan maaaring magtanong ng mahahalagang impormasyon ang publiko at ngayon ay gusto pang tanggalin ang dapat sana’y madaling access ng SALN na nakasaad naman sa batas.
Tila aniya tuluyang mawawala na ang karapatan ng taumbayan na malaman ang ilang impormasyon tungkol sa mga opisyal ng pamahalaan na nanunungkulan sa bayan.
Martes nang ihayag ng Ombudsman na lilimitahan na ang public access sa SALN at tanging maire-release lamang ito kung gagamitin sa mga opisyal na imbestigasyon, sa kautusan ng korte o otoridad mula mismo sa opisyal.