Pagdating ng takdang panahon, lilisanin din natin ang mundo.
Dadaan ang libu-libong taon at huhukayin ito ng mga taong nasa hinaharap.
Dito nila makikita kung ano ang naging kultura sa panahon natin.
Tulad na lamang ng ginagawa ng mga eksperto ngayon, kung saan hinuhukay nila ang mga libingan ng mga sinaunang mga tao.
Kasunod nito ang pagkakaroon natin ng mga ideya, kung paano namuhay ang ating mga ninuno noong unang panahon, kasama na dito ang paraan ng paglilibing.
PAGLILIBING SA BANGA
Bahagi na ng kultura ng ating ninunong Austronesians ang paglilibing sa banga.
Ito ay ayon sa tanyag na Philippine historian na si Xiao Chua.
Ipinaliwanag ni Chua ang proseso ng paglilibing noon:
Sa Primary Burial, pina-aagnas muna ang buong katawan ng patay sa isang hugis itlog na banga at inililibing ito sa lupa.
Habang sa Secondary Burial, oras na ma-agnas na ang katawan, hinuhugasan na ang mga buto sa pamamagitan ng isang ritwal at saka ito ilalagay sa isang banga, na tinatawag na manunggul jar.
Kaugnay nito, may mga teorya na inililibing ang kanilang mga mahal sa buhay noon sa kung saan din sila nakatira.
Kung saan nakatira yung mga buhay, doon din nakatira yung mga patay, eventually magpapatuloy ‘yan. They want to keep the bodies of the relatives close.
Ang maganda diyan, noon kasi gusto nila ang libingan ng mga ancestors nila, malapit sa kung saan sila nakatira kaya natagpuan ang manunggul jar sa Manunggul Cave na malapit sa mga nakatira doon sa lugar.
MANUNGGUL JAR
Natagpuan ang pinakamahalagang libingang banga sa Pilipinas na manunggul jar sa kweba ng Manunggul sa Palawan.
Tinatayang nilikha ito noong 710 BC.
Ayon kay Chua, ang disenyo ng takip ng manunggul jar ay parang mga alon sa dagat, at sa ibabaw nito makikita ang dalawang kaluluwang namamangka na may mukha ng tao.
Mga buto na lamang aniya ang mga nilalagay dito kaya’t itinuturing ito bilang secondary burial.
Noong 1991, ani Chua, daan-daang mga secondary burial jar ang natagpuan sa Ayub Cave sa Sarangani.
Makikita aniya dito ang mga disenyo ng iba’t ibang mukha, kung saan pinaniniwalaang representasyon ito ng mga nakalibing sa banga.
BAKIT HUGIS BANGKA?
Ang mga inilalagay na hugis bangka o ‘boat culture’ sa banga noon ay salamin ng halaga sa ating mga ninuno ng kultura ng paglalayag ng mga Pilipino.
Dahil malapit aniya sa mga Pilipino ang bangka, naniniwala ang mga ninuno natin na bangka din ang sinasakyan papunta sa kabilang buhay.
Kaya’t ayon kay Chua, ang paniniwala sa kabilang buhay o ‘life after death’ ay basic foundation ng Austronesian culture, kung saan nabibilang ang mga lahing Pilipino.
Reflected ‘yan sa manunggul jar. Diba kasi dinadala ang kaluluwa sa kabilang buhay? Kaya may bangka doon, reflected din yan sa paglilibing. Yung paniniwala sa kaluluwa na shini-ship sa bangka patungong kabilang buhay ay reflected sa mga artistic representations sa mga libingan ng mga ninuno natin.
Halimbawa dito ang mga nilalagay na pananda ng mga kapatid nating mga Badjao sa Sulu, na tinatawag nilang Sundok, na hugis bangka at may nakatayong tao, kahalintulad sa takip ng manunggul jar.
Kaugnay nito, may nakita namang libingan sa Batanes na nakalibing sa lupa ngunit ang mga pananda nito ay mga bato na inayos na hugis bangka.
Gayunman, sinabi ni Chua na hindi nahihiwalay sa nakasanayang paglilibing ang ang sining na namana natin at nagpapatuloy hanggang sa makabagong panahon.
May nire-represent ‘yan, may artistry sa mga libingan, hindi hiwalay yung paglilibing sa art na makikita rin natin sa mga nitso ngayon. Kung medyo mayaman ka, meron kang panchong, meron kang museleo, meron kang mga istatwa na nilalagay sa libingan mo, and in a deeper sense, ‘yung pagka-bansa natin ay represented ng paglilibing noong unang panahon.
Samantala, may ilang paraan naman ng paglilibing ang mga Pilipino na iniaangkop sa kanilang kultura at paniniwala.
Kagaya na lamang umano ng pagsabit ng mga kabaong sa gilid ng mga bundok o mas kilala bilang ‘hanging coffins’ ng mga taga-Benguet, sa Sagada.
‘HANGGING COFFINS’ SA SAGADA
Sinasabing mahigit 2,000 taon na ang tradisyon ng paglilibing sa gilid ng bundok na sinimulan ng mga katutubo sa Sagada, na ngayo’y isang tourist spot na.
Ayon sa ilang pagsasaliksik, naniniwala ang mga katutubo na ang paglilibing ng nakasabit ay paglalapit sa kaluluwa nito sa langit at mula dito ay mababantayan nito ang kanyang pamilya sa lupa.
Ngunit, aminado ang mga residente dito na ang naturang kultura ay ‘dying’ na o unti-unti nang nawawala dahil sumasabay na sila sa modernong paraan ng paglilibing.
Samantala, ayon kay Chua, hindi pa rin ito nalalayo sa ibang tradisyunal na paglilibing noon dahil mapapansing hugis bangka din ang mga kabaong nito.
May mga paniniwala ang mga eksperto na ang mga taga-Cordillera hindi talaga orginally taga riyan, mga low landers din ‘yan na umakyat ng bundok pero dala-dala pa rin nila ang boat culture.
Kung titignan mo ang mga hanging coffins, may hugis bangka eh, ‘yan ang mga ginagamit nilang kabaong. Meaning, paalala ‘yan ng kanilang nakaraan. Diyan din kasi sa Cordillera yung mummification. Uso diyan, mina-mummify yung mga bangkay.
KREMASYON
Ang ‘cremation’ o ‘kremasyon’ ay proseso ng pagsusunog ng katawan ng taong namatay na at nagiging abo, na tinatawag na ‘cremains’.
Isang paraan ng paglilibing ang kremasyon, kung saan inilalagay ito sa ‘columbarium’ sa halip na ibaon sa lupa.
Sinabi ni Xiao Chua na may mga teorya na na-nagsusunog na ng mga bangkay noon, bagamat hindi pa masyadong malinaw at kapani-paniwala ang mga pag-aaral dito.
Halimbawa, may natagpuan na parang isang sunugan sa Pila, Laguna at ang paniniwala ng iba ay crematorium ‘yun pero hindi masyadong matibay ang evidence.
Ayon naman sa dalawang negosyante ng mga kilalang crematory at columbary sa Metro Manila ngayon, naglalaro na sa 50% hanggang 55% ang mga nagpapa-cremate kumpara noong taong 2006 na 15% hanggang 18% lamang.
Sinabi ni Architect Euegene Cheng, Vice President for Operations ng Sanctuarium, na maaari pang umakyat ang bilang ng mga nagpapa-cremate sa mga susunod na taon dahil na din sa pagbabago ng pamumuhay ng mga tao sa pagdaan ng panahon.
Dagdag pa ni Cheng, mas pinipili na ngayon ang kremasyon dahil mas praktikal o mas tipid ito, at mas madaling makapag-move on sa pagluluksa, base na din sa eksperyensya ng kanilang mga kliyente.
Sa simbahan, nilabas lang ‘yung approval nila pumapayag sa cremation, 1963. And then they picked-up immediately kasi medyo close pa ang isip natin. And then gradually, mga 80’s… 90’s, pumicked-up na ‘yung cremation, maybe because of the way of life din.
Nagchi-change ang pattern ng buhay, nagchi-change din ang acceptance of tech.
Maliban sa mas mura ang paglilibing sa kremasyon, ayon kay Karlo Magpayo, COO ng Mother Theresa Crematory and Columbary, kabilang sa mga dahilan dito ay ang mga sumusunod:
And because of scarcity of land, nagkaroon ng apartment style, patong-patong na [sa sementeryo]. Cost is the number one factor.
Number two, kapag namatay naman ang ating minamahal eh, ang nagde-decide naman nyan hindi tayo dahil deads na tayo diba? Ang naiiwan… eh ‘yung mga naiiwan are millennials and the baby boomers. The millennials and the baby boomers napaka-importante ng time.
‘Yung pangatlo is more on environmental, because millennial thinking na eh. Anything that is wood made right now is illegal kasi may illegal logging diba?
Also, the use of harmful chemicals sa embalming… formalin, sips into the ground and goes to your water system, so, hindi rin maganda. Whereas crematory, sunugin mo lang, you have the white ash or black ash, it is more environmentally safe.
Anila, ang proseso ng pagki-cremate ay umaabot lamang ng 45 minuto o hanggang 3 oras.
Dumaan man ang maraming panahon, tiwala naman si Magpayo na hindi matatamaan ang mga nasa katulad nilang industriya, kagaya na lamang ng mga punerarya.
Magkakaroon ng adoptive process ang mga punerarya. They will shift their normal means of operation to cremation already. Marami din tayong kaibigan sa industriya na may punerarya, eh.. nagkakaroon lang kami ng magandang usapin. If the client prefers na i-cremate, dinadala nila dito.
Dagdag pa ni Magpayo…
Hindi naman siya sisirian because the Philippines is very cultural eh. Bawat rehiyon na napuntahan ko, sa bawat sulok ng Pilipinas may kanya-kanyang kultura eh. Hindi masisira ‘yung… I think in the next 10 years, it will still maintain and stay but unti-unti as provinces becomes cities, and ‘yung modern people comes in, papasok na ‘yan unit-unti eh.
Binigyang – diin din nina Cheng at Magpayo, na mas-convenient ang kremasyon dahil hindi mo na kailangan pang makipag-sapalaran sa pagbiyahe lalo na kapag undas.
I think sa fast phase ng buhay ngayon, cremation pa rin kasi kagaya sa Sanctuarium, nandito kami sa gitna ng city. If sa sementeryo, hindi pwede.
Ikaw, career ka, so, Monday to Saturday busy ka, you really don’t have the time to go out of the city to visit your departed love ones. Samantalang dito, gusto kong dalawin si ano… ngayong gabi, after office, you drop-by, convenient, dito sa amin 24 hours. (Cheng)
Anila, maaari ding hiramin ang ‘urns’ o ang pinaglalagyan ng abo ng kanilang yumaong kamag-anak para sa bahay na nila ito paglamayan.
Tiniyak naman ng dalawang negosyante ang kalidad ng kanilang serbisyo at ng gusaling kinatatayuan ng kanilang columbary, sakali mang magkaroon ng lindol.
Ano’t anupaman, payo ni Cheng na mahalaga pa rin na paghandaan ang kamatayan…
It’s better to prepare. It’s really better to prepare if you can prepare, ihanda na, years and years before. Unti-unti mong binabayaran, unti-unti mong pinag-iipunan kesa ‘yung biglang may nangyari, magulo na nga isip mo, maghahanda ka pa nung pera… pambayad.
KREMASYON AT ANG SIMBAHAN
Masasabi na ngang sumasabay na sa makabagong panahon ang simbahan, katulad na lamang ng pagbibigay ng pahintulot nito sa pagsasagawa ng kremasyon.
Sa panayam ng DWIZ kay Archbishop Emeritus Oscar Cruz, inamin nito na noong una ay tinutulan ng simbahan ang pagsasagawa ng kremasyon, ngunit kalaunan ay pinayagan na kalakip ang ilang mga kundisyon.
Noong 1936 ay nagpalabas ang Congregation for the Doctrine of the Faith ng Vatican ng guidelines na pinapayagan na ang pagki-cremate hangga’t hindi ito ginawa dahil lamang sa malaking pagtutol sa paniniwala ng Kristiyano sa kamatayan.
Kaugnay nito, ipinaliwanag ni Cruz ang mga nilalaman ng naturang guidelines:
Number one, it is too expensive to have embalming and then coffin, and then cemetery burial, plus procession… is quite expensive.
Second, if the burial grounds or cemetery are have become so filled up that… it is already had to find the descent place to bury the dead.
And number three, is that, a body therefore from there may go directly for cremation and place on a descent container, and that container is the one buried wherever it is possible. Usually, it is also in the cemetery but it is easy to occupy ‘coz it is quite small.
Next is that, it can be also repost in what they called ‘columbary’, merong churches which have columbaries.
Kaya nga na-uso ‘yung sinasabi kong columbarium. ‘Yung mga maliliit na nitso, na doon mo pwedeng ilagay ‘yung lalagyan ng abo.
Na hindi mo itatapon sa lupa, hindi mo itatapon sa langit, kundi naka-deposito dun para kapag dumating ‘yung oras, ay meron kang pupuntahan, meron kang ipagdarasal o kung minsan meron kang kakausapin.
Ngunit, pagpapaalala ni Cruz…
I would like to say this for the record that the church does not allow… the throwing of ashes in the wind, or in the sea. Or keeping of the ashes at home.
And, the reason is this, “To dust a man come from, and to dust they should go back to”. The seas are not dust, and keeping the ashes in the houses is that again, going back to ashes.
‘Yun lang naman, mga simple lang ang guidelines niya.
Dagdag pa niya…
Pinagbabawal po ng simbahan na ang mga pari ay pupunta sa sementeryo at magbi-bendiysyon ng isang puntod.
Ayon kay Cruz, nasusunod naman ang naturang guidelines simula nang inilabas ito.
ETERNAL GARDENS
Mas bukas na ngayon ang mga Pilipino sa paghahanda ng lugar na kanilang paghihimlayan sakaling dumating na ang takdang panahon ng kanilang pagyao.
Ayon kay Mr. Joey Rivera, Vice President for Sales and Marketing ng Eternal Gardens Memorial Park, mayorya ng porsyento ang bumibili na ng lupa para sa kanila o sa kanilang mga mahal sa buhay.
Higit 90 percent nag bumili at nag-prepare na talagang ahead of need po, yung bumibili dahil nandiyan na ay less than 10 percent lang. Mas marami na ang nag-aadvance, mas open-minded na ang mga tao ngayon hindi kagay nung nagbukas tayo ng Baesa noong 1976.
Sa sampung branches ng Eternal Gardens, ang nasa Baesa, Caloocan aniya ang pioneer o ang pinaka-una nilang itinayong sementeryo.
Iniugnay din ito ni Rivera sa paglaki ng bilang ng mga tumatangkilik sa proseso ng kremasyon.
Ang cremation ngayon ay masasabi nating parang fast growing segment, lalo na sa Metro Manila, pero kung susumahin ninyo kung ano ang malakas pa rin yun pa rin ang tradisyunal na nililibing, kasi by nature ang mga Pilipino, traditional when it comes to interment.
Paalala ni Rivera sa pagbisita sa puntod ng mga yumaong mahal sa buhay ngayong Undas, mahalagang isaisip ang tunay na rason ng pag-alala sa kanila.
“UNDAS”
Ang ‘Undas’ ay mula sa salitang Espanyol na Honras de Ponebre o Funeral Honors.
Ito ayon kay Chua, bilang pagbibigay pugay sa mga patay.
Sa mga Espanyol din natin nakuha ang paglilibing ng may mga panandang krus o lapida, at pagpapa-picture sa mga yumao.
Hindi pa aniya ang Ingles na ‘Rest in Peace’ o R.I.P. ang nakasulat sa mga lapida noon kundi ‘Requiesce In Pace’ at ‘Descansar En Paz’ o D.E.P.
Mayroon din umanong ‘Deo Optimo Maximo’ o D.O.M. na ibig sabihin ay ‘To the Greatest and Best God’.
Habang sa mga kapus naman sa buhay noon ay Suma Langit Nawa o S.L.N. ang inilalagay sa lapida.
Hindi naman kinukundena ng simbahan ang kasiyahang nakikita sa modernong panahon tuwing Undas.
Ito ay ayon kay Archbishop Emeritus Oscar Cruz, dahil dalawa ang ginugunita tuwing undas, ito ay ang ‘All Saints’ Day’ at ‘All Souls’ Day’.
’Yung All Saints’ Day, talagang kailangan masaya ‘yan pagkat ang inaalala mo ay yung mga namatay na nagpunta sa langit, that is the ‘Assumption’, kaya ‘Saints’ Day’… Santo.
The ‘All Souls’ Day’ is the day where those who are not yet considered in the Kingdom of God and still need some suffering because of what committed in the past, that is the ‘All Souls’ Day’ and that All Souls Day is identified with prayer… prayer… prayer… prayer for the repost.
‘Yung All Saints Day is the celebration after someone being in the bosom of God, and the All Souls Day is praying for someone who is not yet, who is presumed not to be yet in the bosom of the Father.
Ngunit, paalala ni Cruz…
Kamukha rin noong sa utos ng pamahalaan, wala sanang kantahan, walang sayawan, walang inuman, walang pukpukan, walang saksakan.
Panay nating alalahanin, ang ating ipinagbubunyi ay ‘yung yumao, namatay… hindi ating sarili kaya sana huwag nating kalimutang mag-dasal.
***
Sa panahon ngayon, bagamat nahaluan na ng komersyalismo at mga makabagong paraan ang tradisyon ng paggunita sa Undas o sa paglilibing, nananatili at hindi mawawala ang kultura ng mga Pilipino.
Wika nga ng historian na si Xiao Chua:
We create our own ways of coping with grief, loss, with remembering the dead. Pero nandiyan pa rin ang basics ng kultura natin.
Patuloy sana nating tuklasin at alamin ang tradisyon ng ating mga ninuno… ang ating pinagmulan dahil doon at doon din tayo babalik sa takdang panahon.
By Race Perez / Aiza Rendon