Suportado ni Sen. JV Ejercito ang resolusyon ni Sen. Risa Hontiveros na humihikayat sa gobyerno na idulog na sa United Nations General Assembly ang patuloy na pangha-harass ng China sa bahagi ng West Philippine Sea.
Ayon sa senador, lumilitaw na nagiging regular na ang panggigipit o pangha-harass ng mga tropa ng China sa mga mangingisdang Pilipino, maging sa mga tauhan ng Philippine Coast Guard at Philippine Navy.
Mahigit 100 note verbale na rin aniya ang naihain ng Department of Foreign Affairs laban sa China subalit hindi naman ito inaaksyunan.
Binigyang-diin pa ng senador na mahalagang magamit ng gobyerno ang lahat ng diplomatikong pamamaraan upang maresolba ang isyu at kabilang na dito ang pagdulog sa U.N.
Napakahalaga rin aniyang muling igiit ang pagkapanalo ng bansa sa The Hague na kumikilala sa soberanya ng Pilipinas sa naturang teritoryo.