Wala pang pangangailangang humingi ng clemency si Pangulong Rodrigo Duterte kay Indonesian President Joko Widodo para kay Mary Jane Veloso na nakakulong sa Indonesia sa kasong drug trafficking dahil wala namang naka-schedule na execution nito.
Ipinaliwanag ni Presidential Spokesman Ernesto Abella na bago bumisita si Duterte sa Indonesia, ang execution ni Veloso ay “idefinitely deferred” at pinayagan itong tumestigo para sa deposition ng kaso laban sa mga illegal recruiter nito na naaresto at kinasuhan sa Pilipinas.
Ayon kay Abella, malinaw ang naging pahayag ng punong ehekutibo sa naging pag-uusap nila ni Widodo na nirerespeto nito ang judicial process ng Indonesia at tatanggapin ang anumang maging pinal na desisyon para kay Mary Jane.
Ang naging pahayag aniyang ito ang ginamit ng international media upang sabihing may go signal na si Pangulong Duterte sa kapalaran ni Veloso.
Binigyang-diin ni Abella na sakaling pagpasyahan ng Indonesian Supreme Court ang execution ni Veloso, ito ang pagkakataon para ipresenta ang mga ebidensiya sa pagiging inosente ng death convict at humirit ng clemency.
By: Drew Nacino / Aileen Taliping