Binatikos ni house committee on justice vice chair Fidel Nograles ang paghingi ng pulisya ng listahan ng mga abogado ng mga personalidad na iniuugnay sa New People’s Army.
Ayon kay Nograles, isa ring abogado, hindi krimen ang maging abogado kahit sino pa ang katawanin nila sa korte.
Dapat din aniyang hindi tina-target ang mga abogado na ang ginagawa lamang ay idepensa ang karapatan ng isang indibiduwal sa ilalim ng saligang batas.
Kaugnay nito, hinimok ni Nograles ang liderato ng Department of the Interior and Local Government at Philippine National Police (PNP) na itama ang maling paniniwala hinggil sa kapangyarihan ng mga istasyon ng pulisya na manghingi ng kahalintulad na listahan.
Binalaan din ni Nograles ang mga lider ng enforcement agencies na huwag hayaang maging standard procedure ang mga katulad na request.