Binanatan ng Volunteers Against Crime and Corruption o VACC ang Department of Justice (DOJ) at Senado matapos na payagan ang biyahe ni Senator Leila de Lima patungong Amerika at Germany.
Ayon kay VACC Founding Chairman Dante Jimenez, pambabastos sa legal system ng bansa ang ginawang pag-alis ni De Lima sa halip na harapin nito ang mga akusasyon sa kanya.
Nagsakatuparan pa ng kilos-protesta sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang VACC at ilan pang grupo bilang pagtutol sa pagbiyahe ng Senadora.
Bagama’t isinailalim sa Immigration look out order si De Lima noong Oktubre ay pinayagan din itong makapagbiyahe dahil wala namang pormal na kasong isinampa laban sa kanya.
Giit ni Jimenez, posibleng humirit ng political asylum sa ibang bansa si De Lima dahil sa kinakaharap nitong kaso sa Pilipinas.
Una rito ay binigyan ng Department of Justice (DOJ) ng “go signal” si Senator Leila de Lima sa kanyang planong pagbiyahe sa ibang bansa.
Ayon kay Justice Secretary Vitaliano Aguirre, nag-isyu na ang DOJ ng allow departure order o ADO kay De Lima na nagpapahintulot sa kanya na makabiyahe sa ibang bansa dahil wala pang kasong naisasampa laban sa kanya.
Si De Lima ay nakatakdang tumanggap ng parangal sa US at magsalita sa annual conference on cultural diplomacy sa Berlin, Germany.
By Rianne Briones | Jelbert Perdez