Magsisimula nang maniket ang mga operatiba ng Philippine National Police-Highway Patrol Group (PNP-HPG) sa mga mahuhuling pasaway na motorista ngayong araw.
Ayon kay PNP-HPG Director Chief Supt. Arnold Gunnacao, partikular nilang tututukan ang mga pribadong sasakyan na dumaraan sa yellow lane na laan para sa mga pampublikong sasakyan.
Gayundin aniya ang gagawin sa mga city buses na walang habas na nagsu-swerve, nagbababa at nagsasakay sa hindi tamang lugar.
“Para ipakita natin sa mga mamamayan lalo na sa mga motorista na dapat sumunod sila sa batas trapiko, nananawagan po ako sa ating mga motorista na huwag na po nating hayaang mahuli pa tayo, sumunod na lang po tayo sa batas trapiko.” Ani Gunnacao.
Samantala, maging ang mga sasakyang masisiraan sa kahabaan ng EDSA na makahahambalang sa daan ay iisyuhan na rin ng ticket.
Batay sa tala ng PNP-HPG, pumalo na sa halos 300 pasaway na motorista ang kanilang nahuli sa loob pa lamang ng isang linggong pagmamando nila sa kalsada.
Babawasan na rin ng HPG at MMDA ang mga u-turn slots sa EDSA na siyang nagiging sanhi ng masikip na daloy ng mga sasakyan tulad sa bahagi ng Roosevelt Avenue at sa harap ng Trinoma Mall sa Quezon City.
Pagmamalaki pa ni Gunnacao, napabilis nila ng 10 hanggang 15 minuto ang kabuuang travel time ng mga motorista sa EDSA at kuntento naman aniya rito ang Pangulong Noynoy Aquino.
By Mariboy Ysibido | Jaymark Dagala | Ratsada Balita