Manghuhuli na at titiketan na ng Philippine National Police- Highway Patrol Group (PNP-HPG) ang mga motoristang susuway sa batas trapiko simula sa araw na ito.
Ayon kay Cabinet Secretary at Traffic Czar Rene Almendras, pawang paninita pa lamang ang ginawa ng HPG sa unang araw ng pagmamando nila ng trapiko sa anim na choke points sa EDSA.
Sinabi ni Almendras na habang inaantay na maisaayos ang iba pang mass transport system tulad ng MRT tututukan muna nila ang mga bus.
AUDIO: Bahagi ng panayam kay Secretary Rene Almendras
Maliban sa umayos ang daloy ng trapiko, nabawasan rin ang bilang ng aksidente sa EDSA at maging C-5 road.
Umabot lamang sa 23 ang naitalang aksidente sa EDSA samantalang lima lamang sa C-5 road.
Tiwala si Almendras na hindi makakasikip sa daloy ng trapiko sa C-5 ang pagpalipat doon ng mga provincial buses mula alas-6:00 hanggang alas-9:00 ng umaga dahil kalkulado na nila ito.
“’Yung 6-9 lang po, ‘yung southbound mga 135 buses ‘yan inilipat namin sa C-5 because they really do not need to pass EDSA, pag-alis naman nila dito sa Cubao ay puno na sila, mas mabilis na doon na sila sa C-5, hindi po sila nakaka-traffic sa C-5 kasi na-compute nap o namin yan, 135 lang ‘yan so that should be easy to handle po.” Paliwanag ni Almendras.
By Len Aguirre | Ratsada Balita