Aminado ang DOH o Department of Health na magiging pahirapan ang panghuhuli sa mga lalabag sa Executive Order 26 o nationwide smoking ban.
Ayon kay DOH Assistant Secretary Dr. Eric Tayag, posible pa ngang maging ugat ito ng korupsyon sakaling magkaroon ng negosasyon ang mga violator at ang awtoridad na manghuhuli.
Aniya, dapat na pag-aralang mabuti ng mga LGU o local government units kung paano huhulihin at mapapanagot ang mga maninigarilyo sa mga pampublikong lugar.
Pinayuhan pa ni Tayag ang mga LGU na maging maingat sa mga taong ide-deputize nito para maging marshall.
Samantala, may ilang naninigarilyo ang agad na nasampulan sa unang araw ng pagpapatupad ng nationwide smoking ban kahapon.
Ayon kay Souther Police District o SPD District Director Chief Supt. Tomas Apolinario, labing isang (11) indibiduwal ang nahuling nagyoyosi sa pampublikong lugar sa Pasay.
Kabilang sa mga ito sina Armando Nuevo, Severino Capasa, Simon Barameda, Raymond Balitos at iba pa.
Kapwa mga nasa hustong gulang ang mga ito at pawang nakatira sa Brgy. 184 sa nasabing lugar.
May ilan pa ngang dumipensa na hindi nila alam na kahapon ay epektibo na ang ban sa paninigarilyo.
Sumailalim ang mga ito sa maikling lecture hinggil sa mga alintuntunin na nakapaloob sa bagong kautusan laban sa paninigarilyo at binalaan na hindi lamang ganito ang kanilang magiging parusa sa susunod na mahuling nagyoyosi.
By Rianne Briones | may ulat ni Gilbert Perdez
Pahirapan ang paghuli sa mga lalabag sa smoking ban—DOH was last modified: July 24th, 2017 by DWIZ 882