Sisimulan na ngayong araw ng Philippine National Police-Highway Patrol Group (PNP-HPG) ang panghuhuli sa mga pasaway na tsuper ng pedicab, tricycle at kuliglig na babaybay sa kahabaan ng EDSA.
Layon nitong malinis ang mga kalsada mula sa mga pasaway na motoristang nakahahambalang sa daan upang mapaluwag ang daloy ng trapiko.
Ayon kay PNP HPG Dir. C/Supt. Arnold Gunnacao, batay sa reglamento ng Land Transportation Office o LTO at sa mga ordinansa ng lokal na pamahalaan, mahigpit na ipinagbabawal ang mga tricycle o anumang kahalintulad na sasakyan sa mga national road tulad ng EDSA.
Babala pa ni Gunnacao, P100-300 ang naghihintay na multa sa sinumang mahuhuling lalabag
“’Yung Metropolitan Manila Council Ordinance No. 6 ay ipinagbabawal ang pedicab at tricycle na bumabiyahe sa major roads or highways, ang katumbas na parusa dito ay P100 na fine hanggang 300.” Ani Gunnacao.
Binigyang diin din ni Gunnacao na layunin lamang nilang ipatupad ang batas kaugnay sa pagbagtas ng mga tricycle at pedicab sa highway, katulad ng EDSA.
Kasunod ito ng babala ng HPG na kanila nang huhulihin at pagmumultahin ang driver ng mga pedicab at kuliglig na umaakyat sa EDSA, sa bahagi ng Balintawak Market.
Iginiit ni Gunnacao na maliban sa epekto nito sa daloy ng trapiko, higit na mahalaga ang kaligtasan ng mga pasahero at motorista.
“Ito na yung dapat na panahon na talagang for strict implementation na, kasi ngayong nagsimula na dapat susunod na ang lahat kasi wala naman po kaming ibang intention kundi iimplement ang batas ng maayos.” Paliwanag ni Gunnacao.
By Mariboy Ysibido | Katrina Valle | Ratsada Balita