Posibleng mabura na ang pagiging big brother ng America sa mundo sa ilalim ng Trump administration.
Ayon kay Professor Ramon Casiple , isang political analyst, dahil ito sa America First Policy ni US President-elect Donald Trump.
Malinaw anya sa kampanya ni Trump na ititigil na nito ang pagiging pulis ng mundo at isasantabi ang mga pandaigdigang alyansa na pinangungunahan ng Amerika.
Kumbinsido si Casiple na masasantabi na rin ang mga isinusulong na Pivot to Asia at Transpacific Partnership ni US President Barack Obama at maging ang umiiral na free trade agreement ng World Trade Organization.
Bahagi ng pahayag ni Professor Ramon Casiple
Filipino community
Libu-libong Pilipino ang tatamaan sa America First Policy ni US President-elect Donald Trump.
Ayon kay Professor Ramon Casiple, unang posibleng tamaan ay ang mga Pilipinong nagtatrabaho sa Amerika, legal man o TNT.
Tiyak anyang malaki ang tama sa Pilipinas kapag nagpasya si Trump na pabalikin sa Amerika ang operasyon ng mga BPO o Business Processing Outsourcing dahil 80 porsyento ng mga nag-ooperate sa Pilipinas ay mula sa Amerika.
Gayunman, sinabi ni Casiple na dito makakabuti ang independent foreign policy na isinusulong ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Bahagi ng pahayag ni Professor Ramon Casiple
Ayon kay Casiple, makakatulong rin sa Pilipinas sa pag-upo ni Trump ang pagtatalaga ni Duterte kay businessman Jose E.B. Antonio.
Si Antonio ay business partner ni Trump sa Trump Tower Manila.
Bahagi ng pahayag ni Professor Ramon Casiple
Effect in economy
Samantala, nakamatyag naman ngayon sa Amerika ang buong mundo kung paano pagagalawin ni US President-elect Donald Trump ang pangako nitong America First.
Ayon kay Astro del Castillo, isang financial analyst, siguradong tatamaan ang maraming negosyo sa exports kung mahigpit itong ipatutupad ni Trump.
Tulad ng ibang financial analysts, sinabi ni Del Castillo na malaki ang tama ng polisiyang ito ni Trump lalo na sa business processing outsourcing o BPO sa Pilipinas.
Gayunman, sinabi ni Del Castillo na hindi mawawala ang posibilidad na mabago rin ang pananaw na ito ni Trump lalo pa’t wala naman itong naging karanasan sa pamamahala sa gobyerno.
Bahagi ng pahayag ni Mr. Astro del Castillo
Ayon kay Del Castillo, nakaganda sa Pilipinas ang ginagawa ng Pangulong Rodrigo Duterte na pagpapalawak sa ugnayang pang negosyo sa iba pang mga bansa maliban sa Amerika.
Bahagi ng pahayag ni Mr. Astro del Castillo
By Len Aguirre | Balitang Todong Lakas