Muling umapela sa publiko ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) hinggil sa tamang pagtatapon ng basura.
Kasunod ito ng naitalang pagbaha at pagbigat ng daloy ng trapiko sa bahagi ng EDSA kahapon dahil sa malakas na pagbuhos ng ulan.
Ayon sa MMDA, binaha ang EDSA-Santolan flyover hanggang main avenue na nagdulot ng matinding trapiko.
Sa kabila kasi ng regular at araw-araw na cleaning at declogging operations ng MMDA, hindi pa rin nauubos ang mga basurang bumabara sa mga kanal.
Karamihan sa nakokolektang basura ay mga plastic bag, styro foam, plastic cups, plastic bottles at pinaglagyan ng pagkain.
Dahil dito, paalala ng MMDA sa publiko na maging responsable at disiplinado sa pagtatapon ng basura.
Mas mabuti anilang simulan sa sarili ang disiplina para malutas ang problema sa baha.